Mga hinihinalang nalason sa lambanog sa Laguna umakyat sa 10

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 07:40 AM | Updated as of Dec 07 2018 12:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - (UPDATE) Umakyat na sa 6 ang bilang ng mga namatay dahil sa pag-inom ng lambanog sa Calamba, Laguna. 

Ayon kay Eduardo Perez, chairman ng Barangay Sucol, sa Calamba Medical Center na namatay ang isa pang biktima, Huwebes ng gabi.

"Nag-inom po ito sa lamay nung una. May namatay sa lambanog, naglamay po sila, nag-inom," kuwento ni Perez sa DZMM.

Huwebes lang umano nakaramdam ng hilo ang biktimang si Philip Guevara pero namatay din agad kinagabihan.

Una nang namatay ang 5 lalaki sa Barangay Sucol magmula nitong Nobyembre 29. 

Sabi ni Perez, sadyang mga manginginom ng lambanog ang mga biktima at ngayon lamang ito nangyari sa kanilang barangay.

Dagdag pa niya, nananatiling misteryo kung saan galing ang lambanog na may tatak umanong "Bossing."

Namigay na ng multivitamins ang mga city health office sa mga nakainom ng labanog sa Barangay Sucol ng lambanog.

Aabot pa sa 87 residente ang inoobserbahan dahil sa pag-inom ng lambanog doon, ayon sa mga awtoridad.

May 4 na ring namatay dahil uminom ng lambanog sa Barangay Pooc sa Sta. Rosa, Laguna noong Sabado. 

May apat na tricycle driver ding namatay sa Novaliches, Quezon City noong nagdaang weekend. 

Batay sa Food and Drug Administration, nagpositibo sa "methanol" ang samples na nakuha nila sa Pampanga, Laguna, at Antipolo.

Maaaring hindi tama ang pagkagawa sa lambanog kaya nahaluan ng nakalalasong methanol, sa halip na "ethanol."

Ayon sa isang may-ari ng pagawaan ng mga lambanog sa Quezon, dapat ay tinatanggal na sa proseso ng paggawa ang methanol.

Paliwanag ni Lito Mallari, lumalabas ang methanol sa unang patak ng 8 oras na pagdi-distill o pagpapakulo sa tuba o "palm wine."

"'Yun po (methanol) ay sa unang patak ng distillation, hiwalay po agad. Detectable po sa testing 'yung methanol pag di inalis," aniya.

"Mataas po ang concentration ng kanilang methanol. Ito pong methanol e very poisonous," dagdag pa niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi rin umano dapat inilalagay sa plastic na bote ang lambanog dahil nagkakaroon ito ng epekto sa kemikal. 

Maaari din aniyang walang permit mula sa mga kaukulang ahensiya gobyerno ang pinagmulan ng nakalalasong tuba.

Pang-export at lokal na distribusyon ang lambanog na ginagawa nina Mallari na minana pa ang negosyo mula sa kanyang lola.

--with a report by Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.