Lalaki timbog sa 'pag-angkin' sa ari-arian ng umampong pamilya

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 10:18 PM | Updated as of Dec 07 2018 10:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang lalaki ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mameke umano ng mga dokumento sa tangkang ilipat sa kaniyang pangalan ang mga ari-arian ng mga umampon sa kaniya.

Sa isang kapihan sa Bulacan, inaresto ng NBI anti-fraud division si Enrico de Castro sa bisa ng isang arrest warrant matapos siyang hatulan ng korte sa kasong falsification of public document.

Ayon sa kaniyang mga kaanak, pinalabas ni De Castro na "tunay" siyang anak ng pumanaw na ina para makuha ang mga ari-arian nito.
    
Pero itinanggi ni De Castro ang paratang at sinisi ang kanyiang abogado.

"Sabi niya [gawin ko] para mapadali proseso... Pagkakamali ko hindi ako nagtanong," depensa ng suspek.

Nag-ugat ang reklamo matapos magulat ang mga kaanak ni De Castro na pinapalakad na pala nito ang deed of transfer of property ng ina nang walang paalam sa pamilya.

"Paano siya magkakaroon ng birth certificate eh binili lang namin siya. Pinalaki namin, pinaaral tapos ginawa niya sa amin ito," hinaing ng kaanak na si alyas "Dale."

Ayon sa NBI, mahalagang isaayos ang mga dokumento ng mga inaampon na bata. Magkakaproblema kasi pagdating sa mga usapang legal kahit pa lumaki sila sa umampong magulang.

"Kaya nga po pinaparehistro natin ang isang bata pagkapanganak para magkaroon siya ng identity," ani Atty Irvin Garcia, hepe ng NBI anti-fraud division.

Nahaharap sa pagkakakulong nang lima hanggang 15 taon si De Castro.
    
—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.