Ex-vice mayor na 'nagmatigas, nagbanta' naaresto matapos ang standoff

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 07:05 PM | Updated as of Dec 07 2018 09:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang nasa 20 oras na standoff ay naaresto na nitong Biyernes ng hapon si dating Marilao vice mayor Andre Santos na nagmatigas sa Bulacan police sa kabila ng arrest warrant mula Parañaque Regional Trial Court sa kasong qualified theft.

Huwebes nang nagtangka ang mga awtoridad na arestuhin ang dating bise alkalde pero imbes na sumama ay nagbanta pa ito ng karahasan.

Sa kaniyang Facebook live habang nasa loob ng kaniyang kuwarto, sinabi ni Santos na susuko lamang siya sa awtoridad kapag tinawagan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na itinuturing niyang "idolo."

Sa parehong Facebook live ay tinawag ni Santos na "gawa-gawa" lang ang mga kasong isinampa sa kaniya at doo'y ipinakita pa niya ang kaniyang baril at granadang pasasabugin kung may magtangkang umaresto sa kaniya.
    
Bukod dito, sinabi ni Santos na susuko lang siya kapag pumasok sa loob ang hepe ng Marilao police na si Superintendent Ricardo Pangan na walang dalang baril.
    
Ayon naman kay Pangan, nagmamatigas si Santos kahit lehitimo ang kanilang hawak na arrest warrant, na walang inirerekomendang piyansa.

Dumating nitong hapon si Bulacan Vice Governor Daniel Fernando para kausapin si Santos na sumuko.
    
—Ulat nina Doland Castro at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.