Distributor ng nakamamatay na lambanog, tukoy na ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 06:16 PM

Tukoy na ng lokal na pamahalaan ng Sta. Rosa City, Laguna ang distributor ng brand ng lambanog sa mga sari-sari store na nakalason umano sa 10 katao sa Laguna.

Pero ayon kay Sta. Rosa police chief, Superintendent Eugene Orate, iniimbestigahan pa nila ito kaya hindi pa nila masabi kung sino ang tingin nilang distributor ng lambanog brand na "Bossing."

"As of now, hindi pa pwedeng idisclose ang kaniyang personality para maprotektahan...pero meron nang lead dito and pag napatunayan natin yan that's the time na masasabi natin ang next na hakbang natin for the filing of necessary charges," ani Orate sa isang press conference nitong hapon.

Ani Orate, titingnan nila kung gagawing testigo ang nasabing distributor para maliwanagan ang mga awtoridad sa isyu.

Hinahanap pa ng mga awtoridad kung sino ang manufacturer ng lambanog.

Walang address, Food and Drug Administration registration, at manufacturing date ang mga bote nito kaya nanawagan si Sta. Rosa acting mayor Arnold Arcillas na lumapit ang sino mang nakakaalam kung saan ginawa ang lambanog.

Nanawagan din si Arcillas na lumapit ang mga manufacturer para matukoy kung paano nangyari ang paglalason.

"Mas maganda po yung kung sino ang manufacturer ay makipag-ugnayan sa PNP for the investigation. Kailangan namin matukoy kung saan nagsimula at ano yung source ng lambanog na ito para po sa ating mga pamilya na namatayan, siyempre kailangan din po natin malaman ang katotohanan," aniya.

Iniutos din ng mga awtoridad sa Sta. Rosa na itigil ang pagbenta ng "Bossing" lambanog.

Susuriin naman ang mga sample ng lambanog na ininom ng mga namatay sa lokal na branch ng Food and Drug Administration.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.