Bong Revilla absuwelto sa plunder; Janet Napoles 'guilty' sa parehong kaso

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 02:31 PM | Updated as of Dec 07 2018 10:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inabsuwelto ng Sandiganbayan 1st Division si dating senador Bong Revilla sa kasong plunder kaugnay ng umano'y pagkulimbat niya ng kaniyang milyon-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) na idinaan daw sa "bogus" non-government organizations (NGO) ni Janet Lim Napoles.

Sa botong 3-2 ng korte, sinabi nitong bigo ang prosekusyong patunayan na binulsa nga ni Revilla ang tinatayang P224 milyong "kickback" mula sa kaniyang PDAF noong senador pa siya.

Ang tatlong hukom na umabsuwelto kay Revilla ay sina Geraldine Econg, Edgardo Caldona, at Georgina Hidalgo habang kumontra dito sina Efren de la Cruz and Maria Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

Samantala, guilty naman ang hatol sa parehong kaso kina "pork barrel queen" Napoles at dating chief of staff ni Revilla na si Richard Cambe.

Reclusion perpetua ang ipinataw na parusa kina Napoles at Cambe.

"The foregoing indubitably shows that Cambe and Napoles had conspired with each other so that they will benefit from the Revilla PDAF. On the other hand, there is no clear proof that would establish beyond reasonable doubt that Revilla is involved," ayon sa desisyon.

Nagtakda ng piyansang P480,000 ang Sandiganbayan para sa pansamantalang kalayaan ni Revilla. Ito ay para sa 16 pa niyang kaso ng graft na kinakaharap.

Matatandaang pare-parehong kinasuhan noon ng Office of the Ombudsman sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Revilla dahil umano sa kanilang pagbubulsa sa kanilang mga PDAF. Kalaunan ay napiit ang tatlo habang nililitis.

Pero 2015 ay nakalaya si Enrile at 2017 naman ay nakapagpiyansa na rin si Estrada.

Pare-pareho ring tatakbo ang tatlo sa halalan sa 2019 para bumalik sa Senado.

MGA KAANAK, SUPPORTER NI REVILLA NAGBUNYI

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, umaga pa lang ng Biyernes ay dinumog na ng mga supporter at kaanak ni Revilla ang Sandiganbayan para antabayanan ang hatol.

At nang lumabas na ang desisyon, hindi na nila napigilan ang maging emosyonal at magbunyi.

Para sa asawa ni Revilla na si Lani Mercado at anak na si Jolo Revilla, "pamasko" ang pag-absuwelto sa dating senador, na apat na taon ring napiit.

Isang araw bago ilabas ang hatol ay sinabi na ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na dapat ma-convict si Revilla sa plunder.

"Given the evidence the office gathered, if I were a judge, I would convict him. Period," aniya sa isang pahayag.

Nirerespeto naman ng Malacañang ang hatol ng Sandiganbayan.

“We have to bow down to the judgement of the Sandiganbayan. We have consistently respected the independence of the Judiciary and we will continue to do so in this case," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag.

-- May ulat nina Raya Capulong, Jorge Cariño, Adrian Ayalin, at Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.