ALAMIN: Ano ang methanol?

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2018 08:06 PM | Updated as of Dec 07 2018 09:20 PM

MAYNILA - Tumataas pa ang bilang ng mga taong namatay matapos na makainom ng lambanog sa lalawigan ng Laguna at sa lungsod ng Quezon.

Sa pinakahuling ulat, umakyat na sa 10 ang nasawi sa Laguna habang umabot na sa lima ang namatay sa Quezon City.

May 87 iba pa ang patuloy na inoobserbahan din sa Calamba City.

Lahat sila ay sumama ang pakiramdam matapos na makainom ng timpla ng tila nakalalasong lambanog.

Batay sa Food and Drug Administration, nagpositibo sa "methanol" ang samples na nakuha nila sa Pampanga, Laguna, at Antipolo.

Maaaring hindi tama ang pagkagawa sa lambanog lalo na sa mga backyard distiller. 

Ano nga ba ang methanol at epekto nito sa katawan ng taong nalason sa inuming nahaluan nito?

METHANOL:

- Kilala rin bilang methyl alcohol, wood alcohol, wood spirits at cabinol. Ito ay kemikal na maraming pinaggagamitan. Produkto rin ito ng fermentation ng alcoholic at non-alcoholic na inumin.

- Ang hindi tamang distillation process ng inuming tulad ng lambanog ay maaring magbunga ng mataas na konsentrasyon ng methanol na nakalalason.

- Pagkabulag, coma, metabolic disturbances na maaaring maging sanhi ng pagkamatay, ang ilan sa posibleng epekto sa nalason.

- Tila lasing ang karaniwang pakiramdam ng taong biktima ng methanol poisoning. Severe toxicity na maituturing ang blood methanol concentrations na higit sa 500 mg/L, habang ang concentrations higit sa 1500-2000 mg/L ay posibleng maging sanhi ng pagkamatay kapag hindi agad magamot.

Source: World Health Organization

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.