Traffic enforcers sa EDSA, gagamit na ng body cams

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 12:57 PM

Kakabitan ng body cameras ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakatalaga sa EDSA simula Biyernes, Disyembre 8.

Ipagagamit ang mga body camera sa mga traffic enforcer na nakatalaga sa choke-point areas o bahagi ng EDSA na madalas magsikip.

Nasa 20 high-definition body cameras ang natanggap ng MMDA mula sa isang pribadong kompanya.

Ang bawat kamera'y may kapasidad na mag-record ng hanggang walong oras, may infrared light-emitting diode (LED) para makakita sa gabi at madidilim na lugar, at water resistant.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, malaking tulong ang body cameras para sa kapuwa traffic enforcers at mga pasahero.

Makukuhanan na kasi ang panggigipit ng mga abusadong motorista sa mga enforcers, maging ang pangongotong ng mga enforcer.

Balak ng MMDA na bumili ng karagdagang kamera.

Pinag-aaralan na rin ng MMDA na armasan ng baton ang kanilang mga enforcer dahil sa mga insidente ng panggigipit ng mga galit at abusadong motorista.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.