Sunog sumiklab sa isang furniture shop sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 05:57 AM

Sumiklab ang sunog sa isang furniture shop sa Regalado Ave., Fairview, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Nasunog din ang likurang bahagi ng isang L-300 van na nakaparada sa loob ng compound.

Sumiklab ang apoy pasado alas-10 ng gabi at agad na itinaas sa unang alarma.

Sa loob ng 23 minuto ay under control na ang sunog at idineklarang fire out alas-11:10 ng gabi.

Ayon kay Insp. Rosendo Cabillan ng Quezon City Fire District, ang tinitingnang sanhi ng sunog ay ang siga na hindi napatay ng maayos.

"Tuwing hapon daw may nagpapausok o nagsisiga siguro dahil maraming lamok dito sa area," aniya.

Tinatayang nasa P50,000 ang halaga ng nasira sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.