Gen. Rey Leonardo Guerrero. Courtesy: AFP- Eastern Mindanao Command Facebook page
Tututukan ng bagong kumpirmang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang bantang panseguridad sa bansa kasunod ng pagpapalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa termino ng heneral.
Malugod na tinanggap ni Gen. Rey Leonardo Guerrero ang pinalawig niyang termino hanggang Abril 24, 2018.
Ayon sa Malacañang, sa bisa ng Republic Act No. 8186, nadugtungan ang panahon sa puwesto ni Guerrero na dapat sana'y magreretiro na sa Disyembre 17 kasabay ng kaniyang pagsapit sa mandatory retirement age na 56.
Sa isang pahayag mula sa AFP Public Affairs Office (AFP-PAO), sinabing sapat na panahon ito para ipatupad ni Guerrero ang mga plano at programa ng Sandatahang Lakas.
Partikular na pagtutuunan ni Guerrero ang pagresolba sa banta ng seguridad sa bansa na may kaugnayan sa mga teroristang grupo kabilang na ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).
Nais din ni Guerrero na mapabilis ang pag-upgrade ng kapasidad ng AFP para maging world-class na hukbo.
"The chief of staff feels that it is an opportunity para sa kaniya, 'yong anim na buwan ay oportunidad para sa kaniya na magawa ang importanteng kailangan niyang gawin," ani Col. Edgar Arevalo, AFP-PAO chief.
"Extension is not up for the Chief of Staff to ask for, it is for the Commander-in-Chief to give. So nakasalalay pa rin sa ating AFP Commander-in-Chief kung palalawigin pa niya ng lagpas pa ng anim na buwan ang extension ng military service ni Gen. Guerrero." -- Ulat nina Henry Atuelan at Dharel Placido, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, Armed Forces of the Philippines, AFP, Rey Leonardo Guerrero, terorismo, terrorism, security, Communist Party of the Philippines, CPP, New People’s Army, NPA, Rodrigo Duterte, chief of staff, commander in chief, Henry Atuelan, Dharel Placido, DZMM