PatrolPH

Quezon City balak luwagan ang implementasyon ng bagong traffic scheme

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2022 07:40 PM


MAYNILA — Kung nitong Lunes ng umaga ay nagkabuhol-buhol ang traffic ng Quezon Avenue, ngayong Martes ay mas maluwag na ang trapiko sa lugar.

Isa sa bagong ginawa ay ang "flashing traffic light" — hindi na muna nila pinagana ang traffic light at hinayaan ang traffic enforcers na dumiskarte at magmando sa mga sasakyan.

Bukod dito, ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management, posibleng kusa nang naghanap ng ibang ruta ang mga motorista para makaiwas matapos ang matinding traffic sa Quezon Avenue nitong Lunes.

Dahil dito, sinabi ni Cardenas na posibleng baguhin o bawasan ang oras ng implementasyon para hindi gaanong bumigat ang traffic para sa mga eastbound na motorista na binawasan ng dalawang linya dahil sa zipper lane.

Para sa taxi driver na si Hilario Bongbonga, may naitutulong din ang zipper lane. 

Kaya okay lang sa kanya sakaling ituloy ng QC ang bagong traffic scheme.

Sang-ayon din ang ilang Angkas riders. 

Kaunting sakripisyo lang umano ang 2 oras na traffic scheme kung para naman anila sa ikabubuti ng nakararami.

"Sa aking experience traffic talaga Manila. Dalawang oras lang 'yan... Para sa 'kin okay lang 'yon," ani Joel Asuncion, Angkas rider.

Sinimulan ng QC Traffic ang dry run para sa bagong traffic scheme nitong Sabado.

Naglagay sila ng zipper lane sa Quezon Avenue para bawas traffic sana sa mga galing Quezon City pa-Maynila.

Pero nilinaw ng QC Traffic na isang linggo nila itong pag-aaralan bago ang aktuwal na implementasyon.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.