PatrolPH

NBI tinunton ang mga lugar na huling pinuntahan ng pinaslang na Laguna mayor

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2020 04:01 PM | Updated as of Dec 06 2020 06:19 PM

NBI tinunton ang mga lugar na huling pinuntahan ng pinaslang na Laguna mayor 1
Mayor Caesar Perez ng Los Baños, Laguna. Larawan mula sa Municipal Government of Los Baños Facebook page

MAYNILA — Sinimulan ngayong Linggo ng National Bureau of Investigation ang imbestigasyon sa pamamaslang kay Mayor Caesar Perez ng Los Baños, Laguna.

Ito ay matapos utusan ng Department of Justice ang NBI na imbestigahan ang pagpatay kay Perez, na pinagbabaril sa loob ng compound ng municipal hall noong gabi ng Huwebes.

Unang tinumbok ng mga taga-NBI ang crime scene sa likod ng munisipyo.

Sa inisyal na impormasyon, nagpapakain ng isda si Perez nang mangyari ang pamamaril.

Nakipagpulong na rin ang mga taga-NBI sa mga opisyal ng munisipalidad.

Pupuntahan din umano ng NBI ang ibang pang lugar na pinuntahan ng alkalde bago barilin, tulad ng isang massage parlor.

Pinagsusumite ng report ang NBI sa tanggapan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa loob ng 30 araw.

Watch more News on iWantTFC

Nakatakda namang isumite ng task group na binuo ng Calabarzon police ang inisyal na resulta ng imbestigasyon nito sa Camp Crame sa Lunes.

Kasama sa imbestigasyon ng pulisya ang nakalap na CCTV footage malapit sa crime scene.

Di dawit sa droga

Humarap din sa media ang anak ni Mayor Perez na si Aldous para linisin ang pangalan ng ama sa isyu ng ilegal na droga.

Iginiit ni Aldous na mabuting ama ang alkalde hindi lang sa pamilya nito kundi sa bayan ng Los Baños.

"Ang mami-miss ko diyan, laging nandiyan hindi lang para sa pamilya kundi sa taumbayan," ani Aldous.

Kasama si Perez sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte pero dati na niyang itinanggi ang paratang.

Ayon kay Aldous, kusa nang lumapit ang kaniyang ama sa Philippine Drug Enforcement Agency noong nakaraang taon para linisin ang pangalan nito.

"Hiningan siya ng drug test, which is negative," ani Aldous.

Nakaburol ngayon ang labi ng alkalde sa kanilang bahay sa Barangay Batong Malake.

Sa Martes, planong ilibot ang labi sa bayan bago iburol sa munisipyo para sa public viewing.

RELATED VIDEO:

Watch more News on iWantTFC

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.