Ex-mayor ng Pagbilao na binaril, pumanaw na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2020 10:56 AM

Pumanaw na si dating Pagbilao, Quezon Mayor Romeo Portes, higit isang linggo matapos siyang barilin sa harap ng bahay ng kanyang anak. 

Sa pahayag nitong Sabado ng Pagbilao Local Government Unit sa kanilang social media page, nagdadalamhati sila sa pagkawala ng tinagurian nilang mabuting ama at mahusay na lingkod bayan.

Nagsilbi si Portes bilang mayor mula 1998 hanggang 2006, at 2011 hanggang 2013.

Ayon sa Quezon Police Provincial Office, namatay ang dating alkalde sa ospital sa Taguig noong Dec. 3, Huwebes, sa edad na 73.

Binaril ang dating alkalde bandang alas 5 ng hapon noong Nobyembre 24 sa harap ng gusali na pagmamay-ari ng anak niya.

Base sa CCTV footage, riding-in-tandem ang mga suspek na hanggang sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa.

Nag-alok na ng kalahating milyong piso ang pamilya para sa makapagtuturo kung sino ang mga salarin at nastan ang mga ito.

Bumuo na rin si Police Col. Audie Madrideo, Quezon Police Provincial Director, ng Special Investigation Task Group Portes para makamit ang hustisya para sa dating alkalde.

Si Portes ang ama ng kasalukuyang mayor ng Pagbilao na si Mayor Sherri Ann Portes-Palicpic. Nauna nang sinabi ng alkalde na masakit at mahirap ang nararanasan ng kaniyang pamilya matapos ang insidente, at umaasa silang makakamit ang hustisya.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.