COVID-19 cases sa Pilipinas halos 440,000 na

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2020 05:55 PM

Kinakausap ng isang health worker ang isang pasyente sa San Juan Medical Center sa San Juan City noong Abril 17, 2020. Gigie Cruz, ABS-CBN News/File

Halos 440,000 na ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, base sa tala ng Department of Health (DOH).

Nakapagtala ang DOH ngayong Linggo ng 1,768 bagong kaso para sa kabuuang 439,834 kaso.

Sa ilalim ng lingguhang "Oplan Recovery," inulat ng DOH ang 9,062 bagong gumaling sa COVID-19, dahilan para umakyat sa 408,634 ang total recoveries.

Nasa 8,554 naman ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 matapos madagdagan ngayong Linggo ng 29.

Dahil sa mga gumaling at namatay, nangangahulugang 22,646 ang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit sa Pilipinas.

Sa ulat ng DOH, sa Quezon City naitala ang pinakamarami sa mga bagong kaso, na nasa 112. Sinundan ito ng Laguna (94), Rizal (90), Davao City (71), at Benguet (69).

Noong katapusan ng Enero 2020 nang maitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, na isang 38 anyos na babaeng Chinese mula Wuhan City, China.

Sa nasabing lungsod pinaniniwalaang nagsimula ang sakit, na nakapanghawa na sa higit 66.5 milyon sa buong mundo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.