Bukod pa sa traffic: Metro Manila nakararanas umano ng 'krisis' sa basura

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 06:32 PM | Updated as of Dec 06 2019 07:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Bukod sa traffic at madalas ireklamong hirap ng buhay, isang bagong krisis umano ang nararanasan ng mga taga-Metro Manila: ito ang krisis sa basura.

"We are now in the middle of a garbage crisis. If we continue to act only for our independent interests, continue to spoil our water bodies and fail to responsibly manage our wastes, we will not be able to sustain our efforts on this campaign," pagbubunyag ni Environment Secretary Roy Cimatu sa isang talumpati noong Huwebes.

Ani Cimatu, sa unang 6 na buwan pa lang ng 2019, halos 67,000 cubic meters ng basura ang nakuha sa buong Kamaynilaan. Malayo ito sa estimated target sa buong taon na dapat lampas 58,000 cubic meters lang.

MGA SOLUSYON

Sa gitna ng krisis sa basura, nagbabala si Sen. Cynthia Villar sa mga lokal na opisyal na gamitin agad ang plastic recycling at composting facilities na ibibigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kaya ang mga local government unit na kabilang sa Metro Manila, kaniya-kaniyang istilo kung paano mabibigyan ito ng solusyon.

"Whatever available laws that can be implemented to protect the environment [we will do it], more than anything else," ani Manila Mayor Isko Moreno.

Sa Quezon City, simula 2020 ay bawal na talaga ang single-use plastic sa siyudad.

"By January wala na sila dapat binebentang plastic bag. Wala talagang plastic bag. Tapos after 2 years pati 'yung paper bag ay ipagbabawal na rin natin... Ang gusto nating goal ay masanay na kayo na magdala ng recyclable bags ninyo every time you go to the markets," ani Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Nasa 12.8 milyon ang populasyon sa Metro Manila.
    
—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.