Trapik, maaaring maging sanhi ng lung cancer?

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 08:50 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi na nakagugulat para sa maraming Pilipino ang mababad sa trapiko nang ilang oras lalo na kung rush hour.

Pero ayon kay Undersecretary Eric Domingo ng Department of Health (DOH), posibleng magdulot ang traffic ng masamang epekto sa kalusugan, tulad ng sakit na lung cancer.

"Ang lung cancer po kasi can be caused by any toxin. Kasama po d'yan ang cigarette smoke, pag nagluluto tayo at gumagamit ng kahoy 'yung usok sa loob ng bahay at 'yung usok na galing sa tambucho ng mga sasakyan. Ito 'yung nalalanghap natin kapag matagal tayo sa traffic," paliwanag ni Domingo sa DZMM, Miyerkoles ng umaga.

Nakukuha aniya ang lung cancer kapag nae-expose ang baga sa toxic substances na nalalanghap ng mga tao.

"Habang tumatagal at dumadami ang exposure, lumalaki po 'yung chance," sabi niya.

Masama rin aniya sa kalusugan ang stress na dala ng trapik.

"'Pag stressed po tayo may mga lumalabas na cortisol, parang steroids po ito and pag nade-depress tayo, bumababa ang ating immune system, humihina ang ating katawan," aniya.

Pinayuhan naman niya ang mga motorista at ang sumasakay ng pampublikong transportasyon na protektahan ang sarili sa pamamagitan ng pagsuot ng high grade na mask tulad ng N95.

"Nakakabawas talaga ng particles. Lahat tayo exposed, lalo na 'yung mga jeepney driver," saad niya.

Kund hindi kakayanin ng budget, makatutulong rin aniya ang paggamit ng telang basa bilang pantakip sa ilong at bibig.

"Yung tela, may butas-butas 'yan na maliliit sa loob so nakakapasok ang particle. Kapag binasa siya, yung water, yung liquid will decrease the penetration," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.