P7.5-bilyong pondo sa sports ng DFA, kinuwestiyon sa Senado

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 10:19 PM

MAYNILA - Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagsama ng budget para sa 2019 Southeast Asian Games sa panukalang budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa susunod na taon.

Sa patuloy na deliberasyon ng Senado para sa 2019 national budget, kinuwestiyon ni Drilon ang P7.5 na budget ng DFA para sa sports program.

Ani Drilon, bakit kasama ng DFA budget ang pondo para sa hosting ng bansa sa 2019 SEA Games.

Dagdag pa ng senador, wala sa mandato ng DFA ang promotion ng sports.

Paliwanag naman ni Senate Finance Committee Chairman Senator Loren Legarda, si dating Secretary Alan Peter Cayetano ang humiling na isama sa budget ng DFA ang pondo para sa SEA Games.

Pero sumulat na umano ang kasalukuyang kalihim na si Secretary Teodoro Locsin Jr. na ilipat sa ibang ahensiya ang pondo.

Inirekomenda ni Drilon na ilipat sa Philippine Sports Commission ang pondo na sinang-ayunan naman ni Legarda.

Paalala ni Drilon, dapat maging maingat sa paglalatag ng budget at hindi basta hiniling ng pinuno ng isang ahensiya ay pagbibigyan kahit labas ito sa kanilang mandato.