P2.4 bilyong 'pork' sa distrito ni Arroyo, dapat ipaliwanag: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung ang Malacañang ang tatanungin, dapat ipaliwanag ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang akusasyon ni Senador Panfilo Lacson na umano'y P2.4 bilyong "congressional insertions" ang inilaan sa kaniyang distrito sa panukalang 2019 national budget.

Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, wala mang mali sa realignment o paglilipat ng pondo para mapakinabangan ng isang distrito ay nararapat lamang na bigyang linaw ang isyu lalo't marami na ang nakapuna rito. 

"I think we should ask the Speaker why the allocation is that large... I think so, given the amount involved, given the reaction of people. We citizens would also like an explanation,” ani Panelo nang tanungin kung dapat bang sagutin ni Arroyo ang pinalutang na isyu ni Lacson. 

Pero dagdag ni Panelo, kailangan din daw kasing timbangin kung nangangailangan talaga ng malaking budget ang isang probinsiya.

Tingin ni Senate committee on finance chair Loren Legarda, may kapangyarihan ang Kongreso kung saan nila ilalaan ang kaban ng bayan dahil sila ang awtorisadong bumalangkas nito. 

"Ito po, it's the power of the purse so may karapatan silang maglipat, magtanggal, magdagdag," ayon kay Legarda. 

Si House committee on appropriations vice chair Maria Carmen Zamora naman, kinumpirmang malaki nga ang nakuhang pondo ng distrito ni Arroyo. Pero ito aniya ay nasa P1.9 bilyon lamang.

Ani Lacson, galing ang inilipat na pondo sa P56.7 bilyong infrastructure projects mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensiya.

Pero paliwanag ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, diskarte naman ng DPWH kung saan maglalagay ng proyekto at hindi sa kanila sa Kamara.

"Pinaeksplika namin kung bakit nila ginawa 'yun at ang paliwanag nila merong request ang [DPWH] regional director ng Pampanga sa lugar po nila. Kailangan po ng karagdagan na flood control sa kaniyang lugar dahil laging binabaha ang lugar ng Pampanga at Bulacan,” paliwanag ni Andaya, na siya ring tumatayong House majority floor leader.

Bukod sa "babaeng kongresista ng Pampanga," isang mambabatas "mula Camarines Sur" din umano ang nakatanggap ng higit bilyong halaga ng "pork," ayon kay Lacson. 

Parehong hindi pinangalanan ni Lacson sina Arroyo at Andaya nang tanungin ng mga mamamahayag. Hahayaan na lamang daw niyang magsalita ang kaniyang presentasyon sa budget deliberation, na parehong tinutumbok ang mga distrito ng dalawang mambabatas. 

"Pagdating sa Kongreso, insert sila nang insert kaya may disconnect eh. Kung kasama sila sa discussion and crafting ng local development plan... dapat naka-input na ang projects nila doon," hinaing ni Lacson. 

Si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, saludo sa ginagawang expose ni Lacson pero meron siyang suhestiyon.

"We hope Sen. Lacson will be thorough para mapakita 'yung extent ng pork barrel insertions... Nangyayari din 'yan sa Senate na nagkakaroon ng mas malaki pa ngang insertions. Hopefully mailabas din ito sa budget deliberation sa Senate," ani Tinio. —Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.