Ilegal na pagawaan ng paputok sinalakay; may-ari timbog

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos salakayin noong Miyerkoles ang isang ilegal na pagawaan ng paputok sa bayan ng Santa Maria, Bulacan.

Ayon sa pulisya, buy-bust operation ang dapat na kanilang isasagawa sa bodega sa Barangay Pulong Buhangin pero nakatunog umano ang mga target at agad nakatakas.

Bumungad naman sa pulisya ang mga paputok gaya ng Judas belt at Skyrocket na ilegal umanong ginawa. Aabot sa P250,000 ang halaga ng mga narekober na paputok.

"Unang-una, kawalan ng permit. Hindi secure 'yong kaniyang pagawaan, walang tubig, buhangin. Wala ring, no fire extinguisher. And then naghalo-halo 'yong components ng paputok," sabi ni Superintendent Mark Young, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bulacan.

Ayon naman sa may-ari ng pagawaan na si Meliton Gumasing, wala pa talagang permit ang kanilang pagawaan.

Ikinulong si Gumasing sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o ang batas na nangangasiwa sa mga paputok.

Nagbabala naman ang Bulacan police na mas delikadong gamitin ang mga paputok na ilegal na ginagawa dahil hindi natututukan ang kalidad ng mga ito.

Balak umano ng Bulacan police na magsagawa ng mga pagsalakay sa iba pang ilegal na pagawaan ng paputok sa mga susunod na araw.

Binatikos naman ng mga lehitimong nagbebenta at gumagawa ng paputok ang mga ilegal na gumagawa.

"Sana tigilan na nila kasi 'di lang naman sila nasisira. Lahat pati 'yong mga nagnenegosyo nang maayos," sabi ni Allan Cayanan, isang tindero ng paputok.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.