Babae timbog sa 'panloloko' sa mga gustong magpulis

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 06:09 PM | Updated as of Dec 06 2018 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto noong Miyerkoles ang isang babaeng nangangako sa kaniyang mga biktima na ipapasok ang mga ito sa Philippine National Police (PNP) kapalit ng pera.

Kinilala ng pulisya ang suspek bilang si Dianne Navarez, 29, na hinuli ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Special Operations Unit sa Barangay Vitalez, Parañaque City.

Modus umano ng suspek ang manghingi ng pera sa mga gustong pumasok sa pagkapulis sa pangakong ilalapit niya ang mga ito sa kaniyang kasamahan umano sa "fraternity" na si Deputy Director General Camilo Cascolan.

Si Cascolan ang dating hepe ng NCRPO na kasalukuyang hepe ng PNP Directorial Staff.

Isa sa mga nagreklamo kay Navarez si alyas "Eric," 22, na bigong matanggap sa PNP dahil sa kaniyang height o taas.

Nangako raw si Navarez kay Eric na magagawa niya itong pulis nang hindi dumadaan sa pagsasanay at mag-o-oath lang.

Umabot sa P60,000 ang naibigay ni "Erik" sa suspek.

Ayon naman kay alyas "Jeff," na natanggal sa serbisyo, pinangakuan siya ng suspek na maibabalik sa serbisyo kapalit ng P85,000.

Nilinaw naman ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar na walang palakasan sa pagpasok sa PNP at lahat ay dadaan sa tamang proseso.

Kinasuhan ng swindling at robbery extortion ang suspek.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.