ALAMIN: Bakit mura ang benta sa NFA rice?

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 01:05 PM | Updated as of Dec 06 2018 01:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Madalas mala-blockbuster na pelikula ang pila para sa National Food Authority (NFA) rice dahil bukod sa mura ay dekalidad pa ang nasabing bigas.

Pero nakapagtataka ba kung bakit mura ang bentahan nito sa merkado?

Paliwanag ni NFA officer-in-charge Tomas Escarez, binibili kasi nila ang mga palay sa "support price" o isang konsepto sa ekonomiya na maaaring "pagsusubsidiya" upang mapanatili ang mababang bentahan ng produkto sa merkado.

Alinsunod umano ito sa kanilang mandato na siguraduhing mura at dekalidad ang binibiling bigas. 

Unang binibili ang palay sa P17 kada kilo, kung saan magkakatubo ng P5 ang mga magsasaka. 

Kapag giniling at ginawang bigas ang palay, ibebenta ito ng NFA ng P25 kada kilo sa mga retailer na maglalagay naman ng P2 patong.

"Ang support price ay P17 kada kilogram at sa ngayon, isa sa mga pinakamataas na gastos. Ang kanilang gastusin ay P12. At least P5 ang tinutubo nila," ani Escarez "Usapang de Campanilla" nitong Miyerkoles. 

Nasa P27 kada kilo ang bentahan ng NFA rice.

Ayon kay Escarez, mahal ang pagbili nila sa mga magsasaka ng mga palay para mahikayat sila na magtanim. 

Pero ani Escarez, may mga pagkakataong nag-aangkat sila ng bigas kung mahal ang benta ng mga magsasaka sa kanilang palay bunsod ng di magandang ani. 

"Hangga't maaari bibilhin locally (ang produkto) pero may pagkakataon na kulang sa production. Kaya ang nangyari, nagresulta kami sa importation," aniya. 

Thailand at Vietnam ang karaniwang pinagkukunan ng inaangkat na bigas, ani Escarez. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.