30 kilo ng ephedrine, nasamsam sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 11:25 PM

Nadiskubre ang higit 30 kilo ng hinihinalang ephedrine, isang medication at stimulant na kadalasang ginagamit para mapataas ang blood pressure, sa isang gusali sa Kapitolyo, Pasig City nitong Huwebes.

Ang ephedrine ay mayroong chemical structure na pareho sa methamphetamine, kaya mainit din ito sa mata ng pulisya dahil pwede itong gamiting sangkap para gumawa ng shabu.

Nasa pitong oras ding hinalughog ng mga pulis ang mga kwarto sa gusali.

Wala ang may-ari nito, at tanging caretaker at guwardiya lang ang naabutan na dadalhin na rin sa himpilan ng pulisya para sa interogasyon.

Itinanggi ng guwardiya na may alam siya sa mga nakitang illegal substance. Hindi raw kasi niya pinakikialaman ang mga gamit ng Chinese na amo. 

Ayon kay Chief Supt. Bernabe Balba, direktor ng Eastern Police District, nag-ugat ang operasyon sa intelligence operation kaugnay ng mga substance sa lugar.

Iniimbestigahan din kung ito ay may kinalaman sa pagkakadiskubre ng umano'y shabu lab sa San Juan at iba pang mga operasyon. 

Dadalhin naman ang illegal substance sa crime lab para masuri. 

Magsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad para matunton ang may-ari ng mga nasabat na ephedrine. --Ulat nina Michael Delizo at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.