20 katao sugatan sa aksidente sa Cebu

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2018 06:56 PM

Nahulog sa kanal at sumalpok pa sa puno ang isang pampasaherong bus matapos na iwasang mabangga ng isang dump truck sa Naga City, Cebu.

NAGA CITY, Cebu – Sugatan ang 20-katao sa aksidenteng kinasangkutan ng isang pampasaherong bus at dump truck sa Barangay Pangdan, Huwebes ng madaling araw.

Nagkasalubong umano ang dalawang sasakyan at muntik nang magkabanggaan nang mag-overtake ang dump truck. 

Ayon sa driver ng bus na si Ramil Villaver, kinailangan niyang iwasan ang truck kaya nahulog ang bus sa kanal at bumangga pa sa puno. 

May 30 pasahero ang bus na papunta sana sa Cebu City galing sa Balamban, Cebu. 

Ayon sa Naga Police Station, dinala sa pinakamalapit na ospital ang mga nasugatan sa aksidente.

Tumakas ang driver ng truck at hindi na nakausap ng mga pulis. Sabi ng pahinante nitong si Ralph Villafuerte, natakot umano ang driver na mabugbog ng mga residente sa lugar kaya nagmadali itong umalis. 

Kasalukuyang nasa police station ng Naga City naman ang driver ng bus para sa imbestigasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.