Tank truck, bumaliktad matapos masagi ng isa pang truck sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 05:06 AM

BAGUIO CITY - Isang tank truck ang bumaliktad matapos itong masagi ng isa pang truck sa Marcos Highway, Baguio City Martes ng hapon.

Nagdulot ang insidente ng mabigat na trapik hanggang sa Governor Pack Road kung saan umabot ng halos tatlong oras bago natanggal ang tank truck sa pagkakaharang sa daan.

Agad namang dinala sa ospital ang drayber ng tank truck na kinilalang si Avelino Apedos, 40-anyos, matapos itong mabuhusan ng tubig mula sa radiator ng truck.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakaparada ang tank truck nang biglang masagi ng isa pang truck na dumulas dahil sa basang kalsada dala ng pag-ulan.

Kwento ni Eugene Picardo, 47-anyos, drayber ng truck, maghahakot na raw sana siya ng buhangin sa Rosario, La Union nang mangyari ang insidente.

"Inalalayan ko yung preno pero bigla naman madulas yung daan," aniya.

Nahirapan ang mga rumesponde na itabi ang tank truck. 

Gumamit sila ng crane pero ilang ulit na bumigay ang mga kadenang bumubuhat sa tumaob na truck. 

Kinailangan nila ng tatlong loader bago tuluyang naitabi ang tank truck.

Ayon kay Chief Insp. James Acod, hepe ng Tuba police, mahaharap si Picardo sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property at physical injuries.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.