Senador, gustong ipa-subpoena si Andres Bautista sa pagdinig

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 11:14 PM

File Photo

Hindi dumating si dating Comelec Chairman Andres Bautista sa imbestigasyon ng Senado nitong Miyerkoles ukol sa umano'y paglabag niya sa Anti-Money Laundering Law.

Hindi rin umano tinupad ni Bautista ang pangakong pumirma ng waiver para masilip ang kaniyang bank accounts.

Dahil wala si Bautista at walang waiver, wala ring naibunyag na bagong impormasyon sa hearing.

Inihahanda na ni Sen. Francis "Chiz" Escudero ang subpoena para mapilitan si Bautista na dumalo sa susunod na hearing ng Senado sa Enero.

Inimbitahan na rin ang kapatid niyang si Martin Bautista.

Sinita rin ni Escudero ang aniya'y napakaraming "red flags," o mga senyales na mayroong hindi tama, pero pinalagpas ng mga regulator ang sinasabing bank transactions ni Bautista.

Kasama sa itinuturong red flag ang paglipat ng foreign currency trading transactions sa Luzon Development Bank kahit hindi awtorisado umano ang naturang bangko na hawakan ito at ang paglipat ng mga account ng sequestered companies ng Presidential Commission on Good Government sa Luzon Development Bank.

Dumalo naman sa pagdinig ang abogado ng Patricia Bautista, misis ni Bautista, na siyang nagbulgar ng umano'y tagong yaman ng asawa.

Wala pa ring tugon si Bautista kung bakit hindi siya nakadalo sa pagdinig.

Nito lang Oktubre, na-impeach si Bautista sa Kamara, ilang oras lang matapos maghain ng resignation letter bilang Comelec commissioner.

Naunang sinabi ni Bautista na hanggang katapusan ng taon siya mananatili sa puwesto para bigyan ng sapat na panahon ang pangulo na humanap ng hahalili sa kaniyang puwesto.

Kalauna'y hindi na itinuloy ng Kamara ang nakatakdang pagbalangkas sa Articles of Impeachment laban kay Bautista matapos siyang abisuhan ng Malacañang na "effective immediately" o kagyat na epektibo ang pagbibitiw niya mula sa Comelec.

Sa kabila nito, maaari pa rin kasuhan umano si Bautista sa Ombudsman, lalo na kung nanaisin ng kaniyang misis na naglabas ng mga alegasyon.

-- May ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.