SAPUL SA VIDEO: Enforcer, binugbog ng sinitang rider

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:45 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan ng video ang pambubugbog sa isang enforcer ng isang motorcycle rider sa Palawan.

Agad nag-trending sa social media ang video ng pambubugbog sa enforcer ng Task Force Disiplina na si Ryan Faldas sa Narra, Palawan noong Nobyembre 30.

Makikita sa video na nakatayo si Faldas at ang nakaaway na motorcycle rider na si Kenneth Castro.

Bigla na lang binugbog ni Castro ang biktima.

Tumakbo si Faldas pero hinabol siya ni Castro at ng iba pa niyang kasamahan.

Nagtamo ang enforcer ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinita ni Faldas si Castro dahil wala siyang helmet at lisensiya habang nagmomotorsiklo.

Ayon kay Senior Insp. Ric Ramos ng Palawan Police Office, hindi huminto si Castro nang sitahin kaya nagkahabulan.

Nang magpang-abot, doon na pinagtulungang bugbugin si Faldas.

Desidido si Faldas na kasuhan si Castro dahil sa umano'y kawalan ng respeto ng suspek sa batas pantrapiko.

Kasong direct assault upon a person in authority ang haharapin ni Castro na hindi pa nagbibigay ng pahayag kaugnay sa insidente.

-- Ulat nina Hazel Salas at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.