Pangangalaga sa Philippine crocodile, tampok sa pista

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 12:12 PM

Katulad ng buwaya na sala sa init, sala sa lamig, hindi nagpapigil sa sama ng panahon ang mga estudyante ng San Mariano, Isabela.

Suot ang mga costume na buwaya, pumarada sila sa Poblacion para sa Croc Festival ng bayan.

Hango ang Croc Festival sa Philippine Crocodile na pinangangalagaan ng Mabuwaya Foundation ng San Mariano.

Ayon kay Bernard Tarun na Species Conservation Specialist ng Mabuwaya Foundation, mayroon na silang 71 na buwayang pinakawalan at may 72 pang inaalagaan sa kanilang pasilidad.

Layon nilang paramihin pa ang mga buwayang ito dahil kabilang sila sa Critically Endangered Species.

“Pag umabot na siya ng mahigit 100 adult, made-delete siya as common. Meron na ring economic benefit. Pwede siyang ma-utilize. Yung leather, for tourism,” ani Tarun.

Para maipalaganap pa ang pangangalaga sa Philippine Crocodile, inaanyayahan nila ang mga estudyante sa kanilang exhibit.

Tampok dito ang mga maliliit pang buwaya, mga itlog at isang kalansay.

Ayon pa sa mga nangangalaga, maamo ang lahing ito ng buwaya. Hindi raw ito kagaya ng saltwater crocodile na si Lolong na kumain pa ng tao.

Para lubusang makilala ang maamong katangian ng Philippine Crocodile, pinahuntulutan nilang makipag-selfie ang mga estudyante dito.

Hindi rin naman nakaligtaan ang mga mas batang residente sa pagtuturo ng dapat na gampanan sa pangalagaan ang kanilang Philippine Crocodile.

Ang grupong kinabibilangan ni Mikayla Ligaro ay naging abala sa pagkulay ng mga obrang buwaya. Sa murang pagiisip, alam na nila ang gagawin sakaling makakita ng buway sa kanilang lugar.

“Sasabihin ko po para ilagay nila sa crocodile farm,” sabi ni Ligaro.

Pinilahan din ang face painting session na bida pa rin ang Philippine Crocodile.