'Mas kaunting casualties': target ng PNP sa pagbabalik-drug war

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 11:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong balik na ang Philippine National Police (PNP) sa war on drugs, gusto nilang ipatupad ang kampanya nang paspasan pero may ibayong pag-iingat.

Para iwas-kontrobersiya, kailangan nang magsuot ang mga pulis ng body camera para patunayang lehitimo ang kanilang operasyon.

"The intention is to lessen the number of casualties in the campaign against illegal drugs," ani PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos.

Pinaplantsa na ng PNP ang mga panuntunan o guidelines sa muling pagpapatupad nila ng anti-drug operations, kabilang ang "Oplan Tokhang" at "Oplan Double Barrel". 

"We are coming up with the guidelines, we are preparing the guidelines to make sure na [hindi na mauulit] 'yong mga pagkukulang noon, 'yong mga nasobrahan noon," ani Chief Supt. Joseph Adnol, director ng PNP Drug Enforcement Group.

Mas paiigtingin din ng PNP ang kanilang internal cleansing.

Nitong Martes, Disyembre 5, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagsuporta ng PNP sa kampanya kontra droga.

Mananatili pa ring lead agency nito ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagpahayag naman ng pangamba sa bagong utos ang ilang human rights advocate.

"Parang binalik 'yong itak sa isang matador, para maging legal muli ang pagpaslang, 'yong extrajudicial killings na isinasagawa ng Philippine National Police," ani Tina Palabay, secretary general ng grupong Karapatan.

Ito na ang pangatlong subok ng PNP sa war on drugs.

Isang taon para tapusin ang drug problem

Para sa security analyst na si Professor Rommel Banlaoi, ang pabago-bagong desisyon ng pangulo sa partisipasyon ng PNP sa kampanya ay tila public relations move para mabawasan ang pagtutol ng publiko sa drug war.

"Our president is a very populist president," ani Banlaoi. "If he feels that his current approach is no longer being accepted by the people, he has a tendency to change the course."

("Binabago ni Duterte ang kaniyang desisyon kapag nakikita niyang hindi na ito katanggap-tanggap sa publiko.")

Ayon din kay Banlaoi, marami pang dapat baguhin sa pagpapatupad ng kampanya.

"You have to differentiate between [a] drug user needing law enforcement and [one] needing treatment," paliwanag ni Banlaoi.

("Kailangang matukoy kung kailangan bang managot sa batas ang isang drug user, o dapat siyang sumailalim sa rehabilitasyon")

Bukod sa pagiging criminal issue, dapat ay tingnan din umano ng pamahalaan bilang mental health issue ang problema ng droga sa bansa.

Umapela naman si Duterte na bigyan pa siya ng isang taon para maresolba ang problema sa ilegal na droga. 

Ayon pa sa pangulo, may naitalang pagtaas sa kaso ng ilegal na droga at iba pang krimen nang maiwan sa PDEA ang solong pagresolba sa ilegal na droga.

"I hope to finish the problem, maybe give me just another year," ani Duterte. "Basta ako tatapusin ko talaga 'yan."

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.