Magkarelasyon, timbog sa 'talbog na tseke' para sa mga pinakyaw

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:15 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang magkaralesyong nambibiktima umano ng mga negosyo na binibigyan nila ng "talbog na tseke" matapos bilhan ng maraming produkto.

Kalaboso ang mag-live-in partner na sina Christian Bayagan at Milagrose Cuevas nang harangin sa isang checkpoint sa Pililia, Rizal noong Lunes. 

Inireklamo kasi sila sa pulisya ng isa nilang biktima.

Modus ng magkarelasyon na magpanggap na mga empleyado ng kompanyang "Ca-Da-Ros Trading," na bibili ng maraming produkto sa ibang negosyo tulad ng hardware at auto supply.

Nakukuha nila ang tiwala ng biktima dahil may inuupahan silang kunwaring opisina at bodega. 

Mayroon ding madadatnan ang mga biktima na mga nagkukunwaring empleyado ng kompanya. 

Maglalabas ng post-dated checks ang mga suspek matapos umorder ng produkto.

Malalaman na lang ng mga biktima na wala palang pondo ang tseke.

Wala nang tao sa inupahang opisina at bodega ng grupo nang puntahan ng pulisya.

Aabot na umano sa P2 milyon ang halaga ng mga produktong natangay ng grupo sa isang biktima pa lang.

Noong nakaraang linggo, nakuhanan pa ng CCTV sa isang auto supply sa Marikina ang isa sa mga kasabwat umano nina Bayagan at Cuevas habang kausap ang may-ari.

Nakuha sa mga suspek ang mga pekeng identification, pekeng plaka at iba pang pinekeng dokumento.

Pinaghahanap na ang mga kasabwat nina Bayagan at Cuevas na nakilala lang sa mga alyas na "Caloy", "Madam", "Corazon", at ang isa pang babae na nakuhanan ng CCTV.

Sinampahan ng mga kasong carnapping, falsification of public documents at large scale estafa ang mga suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.