Karagdagang HIV testing centers, itatayo sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 12:16 PM | Updated as of Dec 06 2017 05:04 PM

Dadagdagan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga klinika sa lungsod na maaaring puntahan ng publiko para magpasuri kung mayroon silang human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS).

Iginiit ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa idinaos na Quezon City HIV Summit nitong Miyerkules ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kampanya laban sa nasabing sakit.

Tumataas na kasi umano ang bilang ng mga kaso ng taong nagpopositibo sa HIV-AIDS.

Kasalukuyang may apat na testing center sa lungsod na matatagpuan sa Batasan Hills, Novaliches, Project 7 at Kamuning.

Mula Enero 1984 hanggang Agosto 2017, nasa 46,985 ang bilang ng mga naitalang kaso ng HIV-AIDS sa bansa, ayon sa datos ng Department of Health.

Ayon kay Bautista, mahigit 4,000 sa mga kaso ng HIV-AIDS sa bansa ay mula sa Quezon City.

Nasa 17 anyos umano ang edad ng pinakabatang nagpositibo sa HIV sa lungsod.

Pinalakas na rin umano ng lokal na pamahalaan ang kampanya sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga HIV-AIDS reference material sa mga mag-aaral.

Dadagdagan din ang pondo para sa libreng HIV testing at libreng gamot sa mga positibo sa HIV-AIDS.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.