Kalsada sa forest reserve sa Benguet, patuloy sa kabila ng protection order

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 12:50 AM

Tuloy ang konstruksiyon ng kalsada sa bahagi ng Mt. Sto. Tomas Forest Reserve sa Benguet sa kabila ng umiiral na permanent environmental protection order (PEPO).

Taong 2015 nang madiskubre ang 700 punong pinutol sa Barangay Sto. Tomas sa bayan ng Tuba.

Ito umano ay para bigyang daan ang pagpapatayo ng eco-tourism park sa lote ni dating Baguio Congressman Nicasio Aliping sa Sitio Pongayan.

Nagsampa ng reklamo ang Department of Environment and Natural Resources laban kay Aliping at tatlong kontraktor.

Naglabas din ng PEPO ang Korte Suprema para protektahan ang lugar dahil ito ay isang forest reserve.

Simula noon, ipinagbawal na ang pagpunta ng mga turista sa lugar. Ipinagbawal rin ang pagpapasok ng mga gamit sa konstruksiyon.

Kinakailangan ring ipaalam ng mga residente sa DENR ang anumang pagpapagawa ng bahay sa lugar.

Dumaraan rin sa mabusising proseso at checkpoint ang lahat ng sasakyang papasok sa forest reserve.

Sa kabila nito, nakalusot pa rin ang konstruksiyon ng kalsada sa Sitio Pongayan.

Ang kalsada ay papunta sa lote ni Aliping.

Ayon sa isang source, nitong buwan lamang nasimulan ang kontruksiyon ng kalsada.

Tulong-tulong rin umanong inaayos ng mga residente ang kalsada dahil malaking tulong ito sa kanilang pagsasaka.

Ayon rin sa mga residente, si Aliping ang bumili ng materyales para sa pagpapagawa ng kalsada, bagay na itinanggi ng panig ni Aliping.

Ayon sa DENR, iimbestigahan umano nila ang pangyayari. Tumanggi rin munang magbigay ng pahayag ang regional director ng DENR habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.