Bagong kumpirmang AFP chief, magreretiro na sa loob ng 11 araw

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:21 PM | Updated as of Dec 06 2017 11:28 PM

Gen. Rey Leonardo Guerrero Courtesy: AFP- Eastern Mindanao Command Facebook page

Napuno ng mga sundalo ang pagdinig ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkoles para sa confirmation hearing kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Rey Leonardo Guerrero.

Sumalang din sa pagdinig ang pangalan ng 40 iba pang na-promote na opisyal ng AFP.

Walang natanggap na reklamo ang CA sa kanila kaya agad ding tinapos ang pagdinig at pinaderetso sa sesyon ang mga nominado.

Mabilis ding pinagtibay ng komisyon ang ad interim appointment ni Guerrero at 40 iba pang opisyal ng AFP na may ranggong colonel at general.

Lusot din sa CA ang apat na sumalang na ambassador sa Europe at Mexico, pati na rin ang isang retiradong mahistrado bilang kabahagi ng Judicial and Bar Council (JBC):

- Amb. Jocely Batoon-Garcia sa Norway, Iceland, Denmark, Finland, at Sweden;
- Amb. Dennis Yap sa Switzerland;
- Amb. Eduardo Jose de Vega sa Belgium, Luxembourg, at sa European Communities, Council of the European Union;
- Amb. Demetrio Tuason sa Mexico, Dominican Republic, Guatemala at iba pang Mexican countries;
- Retired Justice Jose Catral Mendoza bilang kinatawan ng mga retiradong mahistrado sa JBC

Isa naman sa mga ipinunto ni A-Teacher party-list Rep. Julieta Cortuna ay kung ano pa ang magagawa ni Guerrero sa AFP gayong 11 araw na lang o sa Disyembre 17 ay magreretiro na siya dahil sinapit niya na ang mandatory age of retirement na 56.

Sinabi naman ni Guerrero na gagawin niya na lang ang lahat ng kaniyang makakaya habang nasa puwesto.

Hindi naman pabor si San Juan Rep. Ronaldo Zamora sa mandatory retirement age policy sa AFP at Philippine National Police.

Hindi raw kasi tamang inoobliga nang umalis sa serbisyo ang mga tumutuntong sa edad 56 gayong malakas at produktibo pa sila.

Sinegundahan din ni Sen. Franklin Drilon ang punto ni Zamora.

Pero aniya sa ilalim ng batas, mananatili sa kamay ni Duterte ang kung palalawigin pa ang termino ni Guerrero.

Sabi naman ni Sen. Panfilo Lacson, mapapalawig lang ang termino ng AFP chief of staff kung may "national emergency" ang bansa.

Hindi lang tiyak ni Lacson kung maituturing na national emergency ang umiiral na batas militar sa Mindanao para maging basehan sa mas matagal na panahon sa puwesto ni Guerrero.

Muli raw maghahain ng panukala ang mga mambabatas para amyendahan ang batas para sa mandatory age of retirement sa uniformed services. 

– Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.