AUV, inararo ang mga plant box sa Buendia flyover

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 05:10 AM

Inararo ng isang AUV ang mga plant box sa Buendia flyover sa Pasay City matapos sumabog ang gulong nito Miyerkoles ng madaling araw.

Ligtas naman ang dalawang sakay nito.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing Baclaran at papuntang Maynila ang AUV nang biglang sumabog ang gulong nito pasado alas-1 ng madaling araw.

Bumangga ang AUV sa mga plant box sa Buendia flyover.

Nayupi ang kanang pinto ng sasakyan at nawasak din ang harapang bahagi nito.

Sa lakas ng impact, napunta sa southbound lane ang AUV.

"Sabi ko nga sa driver, buti naka-preno ka kung hindi mahuhulog ka sa tulay," sabi ni Ambrosio Payumo, traffic enforcer ng Pasay City.

Nasara ang buong southbound lane kaya nagdulot ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko.

Nahatak ang sasakyan matapos ang halos isang oras.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.