3 shuttle bus, natupok sa Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:34 PM | Updated as of Dec 07 2017 09:20 PM

Tatlong shuttle bus ang nasunog sa loob ng pinagparadahang bakanteng lote sa Barangay Poblacion 4, Sto. Tomas, Batangas Martes ng gabi.

Ayon sa tagapamahala ng mga sasakyan, sumiklab ang apoy bandang 11:30 ng gabi. Sinubukan pa umano nilang isalba ang iba pang shuttle bus kaya isang oras pa ang lumipas bago ito naireport sa mga awtoridad.

"Nagising na lang ho kami na malaki ang apoy dito tapos nadamay na 'to pinilit namin isalba yung tatlo ito wala na kaming nagawa. Bago tumawag pa kami ng pulis tapos bumbero... kaya medyo natagalan," ani Marciano Apolonio, operations manager ng GM Joe Tours and Transport Corporation.

Dagdag pa ni Mar, unang nilamon ng apoy ang bus na nakapwesto sa dulo ng pinagpaparadahang lote. Nahirapan na rin umano silang apulahin ang apoy na kumalat sa dalawang katabing bus dahil sa lakas ng hangin.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, pang-apat na ito sa naitala nilang insidente ng mga nasunog na bus sa bayan.

Kaugnay nito, binabalak umano ng BFP Sto. Tomas na magkasa ng re-inspection sa mga kompanyang naghahatid ng transport service.

Hinikayat din ng BFP Sto. Tomas ang lahat ng transport service companies na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad. Suhestiyon nila ang pagtatalaga ng security guards at paglalagay ng mga CCTV camera.

Ayon sa pamunuan ng kompanya, aabot sa P4.5 milyon ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.