2 arestado sa pagbebenta ng shabu sa Cebu City

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2017 10:45 PM

Arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation na inilunsad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 7 ang isang babae at lalaki Miyerkoles sa Cebu City.

Nakuha mula kay Rosalita Monreadora, 50 taong gulang, ang ilang pakete ng shabu na may halagang P100,000.

Matapos mahuli si Monreadora, naaresto rin ang security guard na si Dominiciano Calunsag, 53 taong gulang. Nakuha mula sa kanya ang P150,000 halaga ng shabu.

Ayon sa PDEA-7, dalawang linggo nilang sinubaybayan ang dalawang target. Dagdag pa nila, nagbebenta ang dalawa ng mula 100 hanggang 200 gramo ng shabu kada linggo.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.