Balayan mayor, 2 pa nanghalay umano ng 14-anyos na dalagita

Dennis Datu, DZMM

Posted at Dec 06 2016 11:22 AM | Updated as of Dec 06 2016 03:01 PM

Chairman, dating hepe ng pulisya, dawit din sa asunto 

MANILA - Nahaharap sa kaso ang alkalde, dating hepe ng pulisya at isang barangay chairman ng Balayan, Batagas dahil sa panghahalay umano sa isang 14-anyos na babae sa magkakahiwalay na pagkakataon ngayong taon. 

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng panggagahasa si Balayan Mayor Emmanuel Fronda, Jr. Lunes. 

Sinampahan naman ng qualified seduction si Chief Inspector Christopher Guste, dating hepe ng Balayan police, at si Barangay 12 Chairman Romero Fronda-Erilla, pinsan ng alkalde. 

Base sa sinumpaang salaysay ng 14-anyos na biktima sa NBI, pinagpasapasahan umano siya ng tatlo sa magkakahiwalay na pagkakataon.

Ayon sa biktima, nakilala niya si Fronda nitong Hunyo 24 matapos itong dumalo sa meeting ng kanilang samahan na "Obyus", na inorganisa ng alkalde para sa mga kabataan sa kanilang bayan.

Doon anya siya nilapitan at tinanong ng alkalde kung kailangan niya ng pera bago siya inimbitahang lumabas.

Nagpadala anya siya ng text message kay Fronda para magkita sila sa Antorcha Street sa Balayan. 

Mula roon, dinala umano siya sa Alves Lodge kung saan siya ginahasa ng alkalde.

Matapos ang umano'y panggagahasa, binigyan umano ni Fronda ng P2,000 ang teenager. 

HEPE, CHAIRMAN 

Dagdag ng biktima, Hulyo 8 nang mag-text naman sa kanya ang noo'y hepe ng Balayan police na si Guste. 

Tinanong umano siya nito kung kailangan niya ng pera kapalit ng paggawa ng bagay na dapat niyang ilihim. 

Nagkita anya sila sa Alves Lodge kung saan nila isinakatuparan ang plano kapalit ng P400.

Sinabi ng biktima na dinala rin siya ni Barangay Chairman Fronda-Erilla sa parehong lodge noong Hulyo 3, Hulyo 20 at Agosto 3. 

Anya, binigyan rin siya ni Fronda-Erilla ng pera kapalit ng pakikipagtalik.

Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang biktima.

Sa panayam naman sa telepono ng Radyo Patrol kay Mayor Fronda, sinabi niya na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng reklamo kaya hindi pa siya makapagbibigay ng kanyang panig. 

Pero iginiit ng alkalde na walang panggagahasang nangyari. 

Naniniwala rin anya siya ng pulitika lamang ang nasa likod ng kasong inihain ng NBI Organized and Transnational Crime Division sa Department of Justice. 

Sinusubukan pa ng DZMM Radyo Patrol na makuha ang pahayag nina Fronda-Erilla at Guste pero hindi sila ma-contact sa kanilang cellphone.