PatrolPH

LTO may backlog na 92,000 lisensiya

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2022 04:05 PM

Pumila ngayong Lunes sa bagong bukas na opisina ng Land Transportation Office (LTO) sa San Jose del Monte, Bulacan ang truck driver na si Inocentes Ramacula.

Bigo kasi umano siyang makapag-renew ng lisensiya sa isang driver's license renewal office na dati niyang pinuntahan.

"Mabilis sana ang proseso doon kaso walang machine," ani Ramacula.

Isa ang napuntahang opisina ni Ramacula sa 36 na tanggapan ng LTO na hindi makapag-imprenta ng driver's license dahil sira ang mga laser engraver.

Nasa 92,000 na lisensiya ang backlog ng LTO na hanggang ngayo'y hindi pa nare-release, base sa huling tala ng ahensiya noong Nobyembre.

Isa sa mga nakikitang sanhi ng backlog ay ang mga sirang laser engraver na ginagamit sa pag-imprenta ng mga lisensiya.

"Nais naming iparating sa tao na 'yong mga opisina na defective ang engravers... huwag na po kayong pumunta sa mga opisinang 'yon. Pumunta kayo sa mga may gumana para hindi masayang ang oras at araw niyo," ani LTO Assistant Secretary Jose Arthur "Jay Art" Tugade.

Sa ngayon, hanggang repairs lang muna ang kayang gawin ng LTO sa mga depektibong engraver dahil wala pang pondo ang ahenisya para makabili ng bagong units.

Ayon kay Tugade, aabot din sa P2 milyon ang halaga ng bawat makina.

"I commit to deliver those licenses pero kailangan ko rin ng pondo para ma-repair ang engravers natin," ani Tugade.

Kumukuha na ng piyesa ang supplier ng engraver para makumpuni ang mga makina.

Pero ayon sa LTO, tatagal pa nang ilang buwan ang pagkukumpuni kaya mabuting alamin muna ang mga tanggapang hindi makapagbibigay ng lisensiya, na makikita anila sa kanilang Facebook page.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.