Sanggol, nasagip matapos ma-hostage ng ama; suspek, nabaril

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2020 12:01 AM

Isang 2-buwang sanggol ang nasagip matapos ma-hostage ng sariling ama sa bayan ng Cateel, Davao Oriental Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, hinostage ng 24-anyos na si "Rey" ang kaniyang asawa't anak sa kanilang bahay sa Sitio Bawod sa Brgy. San Antonio gamit ang isang itak.

Sinubukan ng mga pulis, barangay kagawad, at mga tanod na kumbinsihin si Rey na huwag saktan ang kanyang mag-ina.

Imbes na sumunod, dinala ni Rey umano ang sanggol sa may ilog, tinutukan ng itak sa leeg, at nagbanta na papatayin ang sanggol.

Base sa report ng pulisya, nilapitan ng team leader na si Police Chief MSgt. Ruben Iway si Rey, pero nagalit ito at tinaga ang pulis na nakailag naman.

Nadulas umano si Rey sa may ilog habang umaatras at nabitawan ang bata, na agad namang nasagip ng mga rumespondeng pulis.

Isinugod sa Davao Oriental Provincial Hospital ang sanggol.

Nabaril si Rey at dinala sa Mati Provincial Hospital at kasalukuyang nagpapagaling habang binabantayan ng mga pulis.

Narekober mula sa kaniya ang itak na may habang 24 pulgada at inihahanda ang kasong kriminal laban sa kaniya.--Ulat ni Hernel Tocmo


RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.