Rider, nagulungan ng truck sa QC

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2020 07:34 AM

Agad na namatay ang isang motorcycle rider matapos na magulungan ng truck sa may flyover sa Barangay Balong Bato sa Quezon City.

MAYNILA - Patay ang isang motorcycle rider matapos magulungan ng truck sa Barangay Balong Bato sa Quezon City Biyernes ng gabi.

Dead on the spot si Genaro Bernardino, 31-anyos, collector sa isang lending company.

Ayon kay Police Staff Sgt. Romeo Birog Jr., imbestigador ng QC Traffic Sector 6, nasa flyover ang motorsiklo mula NLEX papuntang Quirino Highway nang mangyari ang aksidente.

Nagulungan ang rider at agad namatay.

Hindi pa matukoy kung paano nangyari ang insidente, lalo't walang CCTV sa lugar at wala ring testigo, ayon sa pulisya. Madilim din umano ang naturang flyover.

Ayon sa driver ng truck, magdadala sila ng buhangin sa Novaliches nang bigla na lang may tumawag ng pansin niya. Pagbaba niya, saka lang niya nakita ang biktima. Hindi aniya niya alam na may nabangga ang truck.

Hustisya naman ang hiling ng live-in partner ng biktima na si Jovielyn Masecampo. May apat silang anak, kung saan isang taon pa lamang ang bunso.

Nakatanggap na lang aniya siya ng mensahe tungkol sa incidente at hindi niya agad sinabi sa mga anak niya.

Payo naman ng Traffic Sector sa lahat ng motorista mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga motorcycle riders na huwag dumikit sa mga truck lalo na sa gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.