NLEX Balintawak Tollway. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA - Nagbabala si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na ipasususpinde ng lokal na pamahalaan ang business permit ng North Luzon Expressway sa lungsod kung hindi aaksyunan ng kompanya ang mga problema sa radio frequency ID system.
Ang RFID ay ang ginagamit sa pagpasok sa mga tollway ngayong cashless na ang pagbabayad dito.
Ang pag-arangkada ng cashless toll fee ay nagdulot ng mahahabang pila sa ilang tollway, sa dami ng mga nagpapakabit ng sticker para makadaan palabas at papasok ng Metro Manila.
Ayon kay Gatchalian, mas lumala pa ang trapiko sa lungsod simula noong ipatupad ang cashless transactions. Bukod pa rito, apektado rin ang negosyong dumaraan sa kanila.
"Yung mga ‘yon no matter where I look at it: public safety, general welfare, consumer rights bagsak sila sa tatlong 'yon kaya banta namin, kapag hindi nila papatunayan kung bakit hindi dapat sila bawian ng business permit at pangalawa… Kung hindi kami satisfied we will withdraw their business permit. Suspend, pero sana huwag umabot na ma-revoke pa," ani Gatchalian sa panayam sa ABS-CBN News.
Nagsulat na si Gatchalian sa pamunuan ng NLEX at sinabing may 24 oras o hanggang ngayong Sabado ang NLEX para magsumite ng kanilang action plan para masolusyonan ang problema.
Anim ang toll plaza ng NLEX sa Valenzuela.
Kung bigo sumagot ang NLEX sa kanilang panawagan, dapat magpatupad ng toll holiday ang tollway — ibig sabihin, hindi sila puwedeng mangolekta ng toll.
"Puwede lahat dumaan pero bawal silang mangolekta. Dapat iangat ng NLEX lahat ng kanilang barriers sakaling mabawi pansamantala ang kanilang business permit," ani Gatchalian.
Tumangging sumagot sa mga tawag ng ABS-CBN News ang pamunuan ng NLEX.
Pero sa isang text message, sinabi nilang inihahanda na nila ang kanilang sagot sa alkalde.
Nanawagan din si Valenzuela 1st District Rep. Wes Gatchalian sa Department of Transportation na ipasuspinde muna ang pagpapatupad ng cashless toll habang hindi pa naaaayos ng NLEX ang mga problema sa ID system.
— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Rex Gatchalian, TV Patrol, TV Patrol Top, NLEX, RFID, Valenzuela traffic, RFID lanes, NLEX and Valenzuela