Suspek sa pagpaslang sa dalagita, patay sa police operation

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 11:10 AM | Updated as of Dec 05 2019 01:37 PM

Sa irrigation canal sa Barangay Punong Grande, Banga, South Cotabato natagpuan ang isinakong bangkay ng dalagita. Larawan mula kay Chrisiran Jay Joring

GENERAL SANTOS CITY (UPDATED) – Patay sa police operation sa Isulan sa Sultan Kudarat ang lalaking itinuturong suspek sa pagpaslang sa 16-anyos na dalagita.
 
Kinumpirma ni Police Lt. Col. Lino Capellan, ang tagapagsalita ng Police Regional Office 12, na napatay sa operasyon Huwebes ng madaling araw si Richard Romo Gumilid, 31-anyos at residente ng Barangay Kalawag I sa naturang bayan. 

"Itong suspek ay kinakasama ng ina ng biktima na tinutumbok ng ating mga witness na siya 'yong huling nakitang kasama ng victim. May mga text messages din tayong nabasa doon sa mga kaklase ng biktima na nagsasabing susunduin siya ng Tito niya referring to the suspect,” pahayag ni Capellan.

Sa imbestigasyon ng mga pulisya, si Gumilid ang huling nakitang sumundo sa dalagitang estudyante bago ito nawala noong Disyembre 2 sakay ng itim na kotseng hiniram ng suspek sa mismong ina ng biktima.

"The investigation is leading to the suspect kaya pinuntahan na siya kaninang madaling araw sa kanilang bahay sa Isulan kasi hindi na rin ito makita si Romo (Gumilid) noong na-missing na ang bata,” dagdag ni Capellan.

Sa hot pursuit operation, pumalag umano si Gumilid sa operating team at nakitang may bitbit itong granada na tinangka umanong tanggalan ng pin ng suspek.

"Noong nakita ng tropa natin na tatanggalin na ang pin sa granada doon na nagkaroon ng shooting incident. Dinala pa siya sa ospital ng ating mga kasamahan,” dagdag ni Capellan.

Samantala, hustisya naman ang sigaw ng pamilya ni Gumilid sa pagpatay sa kaniya.

Itinanggi ng kapatid ni Gumilid ang akusasyon na siya ang pumatay sa biktima. Ang kaniyang kuya pa umano ang tumulong sa paghahanap sa bata. Hindi rin aniya umalis ng kanilang bahay ang kapatid noong Linggo.
 
Itinanggi rin niya ang alegasyon ng pulisya na may dalang granada ang kapatid. Tulog umano ang kaniyang kuya nang puntahan ng mga pulis para kausapin madaling araw ng Huwebes. 

Paliwanag pa niya na magkasintahan ang ina ng bata at kaniyang kapatid pero hindi sila live-in partner at sa bahay nila umuuwi si Gumilid.

Miyerkoles ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa isang irrigation canal sa Purok Silang, Barangay Punong Grande, Banga, South Cotabato.

Nakasuot pa ng uniporme ang biktima nang makita ang katawan nito sa irrigation canal. Nakatali ang dalawang kamay nito nang marekober ng awtoridad.

Isasailalim umano sa autopsy ang bangkay ng biktima para malaman kung ginahasa ito. Bukod kay Gumilid, may dalawa pang persons of interest sa pagkamatay ng dalagita.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.