SAPUL SA VIDEO: Lalaking may kutsilyo nag-amok

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 07:06 PM

Watch more in iWantTFC

Nakunan ng video ang pag-aamok ng isang lalaking may hawak na kutsilyo sa Cagayan de Oro City noong gabi ng Miyerkoles.

Sa video na kuha ni Philip Fuentes, makikita ang isang lalaki na nasa gitna ng daan sa Barangay Carmen na may bitbit na kutsilyo.

Kita din sa video ang isang pulis sa kaniyang harapan na nakikipag-negosasyon umano sa lalaki.

Maririnig ang paggamit ng mga pulis ng megaphone para matiyak na walang ibang sibilyan na lalapit sa lalaki.

Makalipas ang ilang minuto, nakatiyempo ang isa sa mga pulis at pinalo ng rattan stick ang kamay ng lalaki, dahilan para mabitawan nito ang kutsilyo at maaresto ito.

Ayon kay Police Maj. Ian Borinaga, 5 pulis ang rumesponde at tiniyak na walang masasaktan, lalo na at matao ang lugar.

Nag-isip ng paraan ang mga pulis kung paano nila mahuhuli ang nag-amok na lalaki nang hindi gumagamit ng armas, ani Borinaga.

Kaya hinangaan ng netizens ang diskarte ng mga pulis dahil walang nasaktan sa insidente.

Ayon naman sa lalaking nahuli, may sinisita lang siyang lalaki na naalala niyang nagnakaw sa dati niyang pinagtatrabahuhan.

Ayon sa ina ng lalaki, may diperensiya sa pag-iisip ang kaniyang anak.

Sa kabila nito, sasampahan ng illegal possession of bladed weapon at alarm and scandal ang lalaki.

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.