Misis ng aktor arestado sa kasong estafa sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 05:34 AM

MAYNILA—Inaresto sa Makati City Miyerkoles ng hapon ang misis ng isang aktor dahil sa kasong estafa.

Hinuli si Riza Katrina Evans, 32 anyos, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong isinampa sa kaniya sa Makati Metropolitan Trial Court Branch 66-A.

Asawa siya ng aktor na si Matt Evans.

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines ng Makati City police, may kinalaman sa dating negosyo ni Katrina ang kaso. 

May kinahaharap din si Katrina na cyberbullying case sa Cebu pero nagbayad na ito ng piyansa para rito. 

Inirekomendang halaga nang pagpiyansa naman sa kasong estafa ay P30,000.

Wala pang ibinibigay na pahayag ang kampo ni Katrina tungkol sa nangyari. 

Nitong Oktubre, ibinunyag ni Matt na sinampahan nila ng kaso ang isang nanloko sa misis niya. 

Ito'y matapos matangayan umano si Katrina ng halos P6 milyong halaga ng gamit sa loob ng 3 taon sa pagre-resell nito ng mga designer bag at alahas.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News