'High-value' drug suspect patay; 2 arestado sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 05:30 AM | Updated as of Dec 05 2019 07:05 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

CAVITE—Patay ang isang high-value target na drug suspek nang makaengkuwentro ng mga pulis sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite nitong Miyerkoles.

Bumulagta si Joseph Alvin Perez, alyas Jap, na 2 buwan nang tinutugis ng mga pulis dahil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga.

"Malaki na po talaga mag-dispose ito... ganito kasing klaseng mga drug pusher, hindi na basta-basta ito kasi hundreds na, thousands na ang dala-dala nila," ani Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police.

Nakuhanan din si Perez ng nasa P100,000 halaga ng hinihinalang shabu. 

Arestado naman ang 2 itinuturong kagrupo niya sa pagtutulak ng droga.

Una nang naaresto ang live-in partner niyang si alyas Jane nitong Lunes. Higit P400,000 halaga ng umano'y shabu ang nasamsam sa bahay nito.

Kasamang naaresto ni Jane ang 2 babaeng itinuturong runner ng droga sa kanilang grupo.

Ayon sa pulisya, mapipilayan ang operasyon ng grupo ng mga suspek sa pagkasawi ni Perez.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.