DOH: Huwag nang magpaputok para makaiwas sa injuries, ilang sakit

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 06:03 PM | Updated as of Dec 06 2019 12:08 AM

Hinimok ni Health Secretary Francsico Duque III ang publiko na huwag nang gumamit ng paputok ngayong holiday season para makaiwas sa mga panganib na maaaring maidulot ng mga ito.

Sa paglulunsad ngayong Huwebes sa Dagupan City ng "Oplan Iwas Paputok," ang taunang kampanya ng Department of Health, sinabi ni Duque na mas mainam na manood na lang ng community fireworks displays sa halip na magpaputok para maiwasang masugatan gayundin ang ilang sakit.

Bukod sa pagkasugat at tetano, puwede ring magdulot ng respiratory problems ang paputok, ayon kay Duque.

Watch more in iWantTFC

Noong 2018, pumalo sa 340 tao ang naapektuhan ng paputok. Nasugatan ang 338 tao habang 2 naman ang nakalunok ng paputok.

Karamihan sa mga nagtamo ng firework-related injury ay mga batang edad 5 hanggang 13.

Sa Dagupan City inilunsad ang programa dahil sa Ilocos region naitala ang pinakamaraming kaso ng firework-related injury sa buong bansa noong nakaraang taon, ayon kay Duque.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.