Dalagita umaming gawa-gawa lang ang post na 'dinukot' siya sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 05:10 PM | Updated as of Dec 05 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Umamin sa mga awtoridad ang isang 13 anyos na babae sa Quezon City na gawa-gawa lamang niya ang kuwento at post niya sa social media na dinukot siya at pinatutubos sa kaniyang mga magulang.

Noong Miyerkoles, humarap sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), Criminal Investigation and Detection Group, at Barangay Old Balara si alyas "Sarah" at inaming hindi totoong siya ay kinidnap ng ilang lalaki gaya ng kaniyang sinabi sa social media.

"Hindi po totoo na na-kidnap ako," ani Sarah sa panayam ng ABS-CBN News.

"Naisipan ko lang po 'yon kung may mag-aalala sa'kin o wala," dagdag niya.

Sa Facebook post, ibinahagi ni "Sarah" na dinukot siya sa may Old Balara. Humingi rin siya ng tulong dahil hindi raw siya makatakas sa mga nandukot sa kaniya.

Nai-share ng mga kaibigan ni "Sarah" ang post kaya napansin ito ng mga barangay official at pulis.

Sa takot, nagpa-blotter ang ina ni "Sarah" sa QCPD Station 6 noong alas-5 ng hapon noong Linggo.

Ipinakita rin ng ina ang text message na natanggap mula sa umano ay kidnapper, na nanghihingi ng perang pantubos kapalit ng buhay ng anak.

Unang naikuwento ng bata na pinakawalan daw siya ng mga dumukot sa kaniya noong Lunes dahil walang pera ang kaniyang mga magulang pero kalaunan ay umamin din na gawa-gawa lang ang nangyari.

Sa opisyal na report ni "Sarah" sa mga pulis, sinabi nitong nagtungo siya sa simbahan at nakitulong lang sa isa niyang kaibigan.

Inirekomenda ng QCPD na isailalim muna sa counselling sa Quezon City Protection Center si "Sarah" para matulungan. Pag-aaralan din kung kailangan itong dalhin sa Quezon City Social Services Development Department.

Muli namang hinimok ng mga awtoridad ang publiko na maging responsable sa pag-share ng mga sensitibong bagay sa social media.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.