Angkas users kinalampag ang DOTr para gawing legal ang motor-taxis

Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 07:32 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Kamakailan ay nag-trend sa social media ang hashtag na #SaveAngkas, isang panawagan para ganap na maging legal ang operasyon ng motorcycle ride hailing app na Angkas.

Ito ay sa gitna ng nakaambang pagtatapos ng 6-buwang pilot testing period na ipinagkaloob ng Department of Transportation(DOTr) sa Angkas. 

Nag-aalala ngayon ang parokyano ng Angkas na si Moley Galindo dahil malaki raw ang naitulong ng motor-taxi app sa kaniyang pagko-commute. 

Aniya, ang 2 oras niyang biyahe noon mula Fairview hanggang Timog, naging 45 minuto na lang dahil sa Angkas.

Samantala, ang motorcycle rider ng Angkas na si Carlito Gonayon, Jr. ay nangangamba dahil ito lang daw ang kaniyang pinagkukunan ng kita. 

Isa lang si Gonayon sa higit 27,000 riders ng Angkas. 

Sa kabila nito, tiwala ang pamunuan ng Angkas na magpapatuloy ang kanilang operasyon. 

Pinanghahawakan nila ang "99.99 percent" safety rating nila, na nangangahulugang ligtas gamitin ang serbisyo nila.

Bukas naman ang DOTr na palawigin ang pilot testing period ng Angkas lalo na kapag maganda ang resulta ng report nila ukol sa operasyon nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.