SAPUL SA CCTV: Lalaki, huling nagnanakaw ng mga panty

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2018 01:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY - Huli sa CCTV ang pagnanakaw ng mga panty ng isang lalaki sa isang bahay sa Barangay Guisad, Baguio City.

Nangyari ang insidente noong Sabado ng madaling-araw, Disyembre 1.

Base sa video, umakyat sa pader ang suspek at dumiretso sa sampayan. Kinuha nito ang mga nakasampay na panty at isinilid sa bag.

Ayon sa may-ari ng bahay, matagal na silang nawawalan ng mga panloob kaya't nagpasya silang magpakabit ng CCTV.

"Nakakatakot lang kasi 'di mo alam anong next niyang puwedeng gawin," aniya.

Nahuli nitong Lunes ang magnanakaw na nagtatrabaho bilang isang mekaniko malapit sa bahay ng biktima.

"Ang gusto ng complainant ay pauwiin na lang sa probinsiya at hindi na magpapakita rito sa Baguio," ani SPO2 Michael Anthony Quela, chief investigator ng Baguio City Police Office Station 2.

Nasa Bulacan na ang suspek, pero nakaharap pa nito ang biktima bago umuwi.

"Nung tinatanong namin siya ang sinasabi niya is sa kakapanood ng mga scandal ng mga video," kuwento ng biktima.

Ayon sa isang eksperto, maiuugnay ang pagnanakaw ng mga panty sa sakit sa pag-iisip.

"That behavior can be attributed to fetishistic disorder. So a person has an intense and recurrent fantasies, sexual urges, and arousal in relation to nonliving objects," ani Wilmalyn Awingan, head ng Department of Pschology ng University of the Cordilleras.

Maaari rin itong iugnay sa sakit na kleptomania o hindi mapigilang pagnanakaw. Kung mapapansin na may ganitong sintomas, mainam na magpasuri agad sa espesyalista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.