Pasahero, konduktor nagbugbugan dahil sa vape; awtoridad 'tali ang kamay'

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2018 08:10 PM

Viral sa social media ang insidenteng bugbugan sa pagitan ng isang konduktor ng bus at isa sa pasahero nitong nagmatigas at ayaw bumaba habang nagbe-vape o electronic cigarette. 

Puno ng pasahero ang bus na biyaheng Commonwealth-Pacita Complex noong Biyernes kaya sinita ng konduktor ang pasahero pero gulpi ang naging tugon nito sa kaniya. 

Pero sa ilalim ng mga umiiral na batas, may pananagutan nga ba ang lalaking nag-vape sa loob ng pampublikong sasakyan?

Sa ngayon, physical injuries lamang ang asunto sa salarin dahil hindi pasok sa Executive Order (EO) 26 o nationwide ban on public smoking ng gobyerno ang e-cigarettes o vape.

"Bago kasi 'yang teknolohiyang 'yan. Wala pa 'yan nu'ng binaba 'yung EO," paliwanag ni Dr. Loida Labao Alzona, director ng Health, Public Safety, and Environmental Protection unit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kung tutuusin daw, wala talagang direktang nilabag na batas ang pasaherong nag-vape pero para kay Alzona, maaaring mapanagot ang lalaki sa "paglabag" sa Clean Air Act dahil "karapatan ng lahat na makalanghap ng malinis na hangin."

Pero giit ni MMDA General Manager Jojo Garcia, mayroong mga lokal na pamahalaan na may ordinansa kontra vaping sa pampublikong lugar.

Kung hindi man matakot sa batas, dapat daw ipaalala na lang ang panganib sa kalusugan na dulot ng vaping.

"Ang vaping ini-inhale mo ang chemicals niyan, same chemicals na nilalagay sa refrigerator at baterya... Cancer din at ibang respiratory diseases ang aabutin mo," ani Alzona. 

Sa huli, nasa Kongreso umano ang bola kung kailan magpapasa ng batas laban sa vaping. 

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.