PatrolPH

Maling ulat ng landslide, nirespondehan ng mga ahensiya ng pamahalaan

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2018 10:47 AM | Updated as of Dec 05 2018 07:34 PM

Maling ulat ng landslide, nirespondehan ng mga ahensiya ng pamahalaan 1
Rumesponde ang iba't-ibang ahensiya sa maling ulat ng landslide sa Calamba City. Lumalabas na isang residente sa lugar ang tumangging umalis sa lupang pribadong pagmamay-ari ng iba. Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

CALAMBA CITY – Sigalot sa lupa at hindi landslide ang naiulat na insidente sa Purok 3, Barangay Makiling sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Napasugod sa lungsod ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno dahil sa maling ulat ng landslide na umano’y kinasangkutan ng isang pamilya. Ang umano’y ulat ay idinaan sa 8888 Hotline at natanggap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Calabarzon.

Unang rumesponde sa lugar ang rescue team mula sa Philippine Air Force (PAF) para sagipin umano ang pamilya ni Susan Velasco. Nang makarating sa lugar, nakita nila si Velasco sa isang bahay na may hukay sa paligid.

Lumalabas na ayaw umalis sa lugar ni Velasco dahil iginigiit nito na may karapatan siya sa lupang malilipatan. 

Ayon sa awtoridad, delikado na ang lagay ng bahay ni Velasco dahil sa hukay sa tabi nito.

Sabi naman ng pamunuan ng Barangay Makiling, matagal nang kinukumbinsi si Velasco na umalis sa lugar. Hindi raw ito kanilang lupa at may pribadong kumpanya ang nagmamay-ari nito.

"May contractor ito. Nasa loob sila ng subdivision. Sila ay nag-squat. Sila po ay pinakiusapan. Actually, napakiusapan sila. Siya lang po ang hindi bukod tanging nakipag-coordinate," sabi ni Kapitan Aigrette Lajara, kapitan ng barangay.

Sinubukan din daw na tulungan at padalhan ng pagkain sina Velasco pero nagmatigas umano ito at humirit ng bahay at lote sa loob mismo ng subdibisyon.

“Ang hinihiling lang po namin ay mapalitan ang bahay ko, hindi ko po kinakamkam yung lupa po kasi alam ko pong wala akong karapatan sa lupa. Ang akin lang po simula po nang ako'y isilang, dito yan po ang bahay namin at yan pong bahay na kinatatayuan namin ay 14 na taon na po," pahayag ni Velasco.

Pasado alas-10 ng umaga naman nang magsidatingan na rin sa lugar ang mga kinatawan ng city hall, provincial government, pamunuan ng barangay, pulisya at ang community at regional office ng DENR at pinagusapan kung paano maaayos at mare-rescue ang mag-anak at mapapayag sila na umalis sa lugar.
 
May tatlo umanong batang anak si Velasco sa bahay na dahil sa sitwasyon ay hindi na makakain.

Bumaba ng bahay para makipag-usap si Velasco nang mamagitan na ang PAF at DENR. Matapos ang pag-uusap, bumalik sa bahay si Velasco habang dumating naman ang iba pang lokal na ahensiya ng lungsod gaya ng City Social Welfare and Development Office.

Nagmatigas si Velasco na hindi ibibigay ang mga anak sa CSWDO para maalagaan.

Ayon sa barangay, gagawa na lamang sila ng waiver na siyang dokumentong magsasabi na wala nang pananagutan ang barangay kapag may nangyari sa pamilya Velasco dahil sa pagmamatigas na manatili sa lugar.

Kinasuhan na rin umano ng developer si Velasco at dinudulog na ang isyu sa korte.

Bagama't walang aktuwal na rescue, nagpasalamat pa rin ang pamunuan ng barangay at mismong si Velasco sa mga ahensyang rumesponde sa kaniyang panawagan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.