PatrolPH

6 basurero timbog sa magkahiwalay na drug ops sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2018 11:21 AM | Updated as of Dec 05 2018 01:41 PM

Arestado ang 6 na garbage collector sa magkahiwalay na drug operations na ikinasa ng pulisya nitong nakalipas na araw.

Unang nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Batasan police sa Majaas Street sa Barangay Payatas B, bandang alas-8 ng gabi Martes.

Nakabili ang kanilang poseur buyer ng P200 halaga ng hinihinalang shabu mula sa unang target na si alyas "Joey" na isang palero o garbage collector.

Nasakote rin ang 2 kasamahan niya na kapwa-palero. Pitong sachet naman ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa kanila.

Samantala, sa Payatas Road naman ay nalambat din ng mga pulis ang target ng pangalawa nilang buy-bust na si alyas "Wally" at dalawa sa kaniyang umano’y parokyano. Ang tatlo ay mga pawang garbage collector din.

Nakumpiska sa kanila ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu.

Aminado naman ang dalawang pangunahing target na gumagamit sila ng ilegal na droga, pero itinanggi na nagtutulak sila nito. Mahaharap sila sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.